Pambansang Araw ng Bayani
28 August 2023 – Nakikiisa ang UP KAMALAYAN sa buong bansa sa paggunita ngayong Pambansang Araw ng mga Bayani, ang araw ng mga magigiting na bayani ng nakalipas at mga modernong panahon!
Itinakda ang huling Lunes ng Agosto bilang Pambansang Araw ng mga Bayani, sa bisa ng Republic Act No. 9492 s. 2007 at Act No. 3827 s. 1931, upang gunitain ang Sigaw ng Pugad Lawin (Cry of Pugad Lawin o na dating kinilala na Cry of Balintawak) na naging hudyat sa malawakang pag-aalsa ng mga rebolusyonaryong Pilipino laban sa mapaniil na pamahalaang Espanyol.
Noong panahon na napasailalim ang Pilipinas sa kolonisasyong Amerikano, ipinagsasabay ang pagdiriwang ng Araw ni Andres Bonifacio at ng mga hindi gaanong kilalang bayaning Pilipino tuwing ika-30 ng Nobyembre. Bagamat, nagbago ang pagtalaga ng komemorasyon sa espesyal na araw na ito sa mga nakalipas na dekada at panahon upang bigyang-pansin din ang ibang mahahalagang pangalan sa mahabang kasaysayan ng Pilipinas na nag-alay para sa kasarinlan at kaunlaran ng bayan. Naging mahaba ang usapin sa pagtatakda ng petsa para sa komemorasyon nito dahil sa pagtatalo ukol sa eksaktong petsa ng Sigaw ng Pugad Lawin; kaya naman napagdesisyunan na ito ay itapat sa huling linggo ng Agosto.
Kaya naman sa araw na ito, hindi lamang ang mga kilala at kinikilalang Pambansang Bayani, kundi na rin ang mga magigiting na bayani na nagbuwis ng kanilang buhay para sa kalayaan, katarungan, at ikauunlad ng Perlas ng Silanganan sa kasalukuyan ang inaalala at binibigyang-pugay.
Ang sukatan ng pagiging bayani ay mayroong malalim na pinagmulan sa pagkakahulugan—“bagani” na nangangahulugang “mandirigma”; “wani” na nangangahulugang “malasakit at pagtulong”; “bayanihan” na nangangahulugang “pakikipagtulungan”; at “bayan” na nangangahulugang “pamayanan o komunidad ng mga tao.” Ang hinuha mula sa mga salitang ito ay ang bayani ay isang taong matapang o magiting na maihahalintulad sa isang mandirigma na may malasakit na magbigay serbisyo sa para sa bayan.
Ang mga uliran sa pagiging bayani sa Kasaysayang Pilipino ay sina Andres Bonifacio, Jose Rizal, Apolinario Mabini, at Melchora Aquino na nag-organisa at pumukaw ng kamalayan ng Pilipino sa panahon ng Himagsikan ng 1896, si Gabriela Silang na pinamunuan ang pakikibaka laban sa Espanyol sa Ilocos, si Antonio Luna na mahusay na heneral at lumaban sa mga Amerikano hanggang dulo, si Josefa Llanes Escoda na tumulong sa pagpapalaya ng kababaihan at ng Pilipino sa panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, at sina Macli-ing Dulag, Pedro Dungoc, at Lumbaya Gayudan na nakibaka para tutulan ang mapanirang Chico Dam Project sa Kordilyera noong panahon ng diktadura ni Ferdinand Marcos Sr.
Ngayong nahaharap ang ating kasaysayan sa banta ng historical distortion, na maaaring balewalain ang paghihirap at pakikibaka ng mga magigiting na bayani. Kaya ating ipagtanggol ang kanilang mga alaala at isadiwa ang kanilang katapangan upang ipaglaban ang Pilipinas—ang Duyan ng Magigiting!
Mga Batis:
Act No. 3827. Official Gazette of the Republic of the Philippines. (1931). Retrieved from https://www.officialgazette.gov.ph/1931/10/28/act-no-3827/.
National Heroes Day. Official Gazette of the Republic of the Philippines. https://www.officialgazette.gov.ph/…/national-heroes-day/.
Republic Act. No. 9492. Official Gazette of the Republic of the Philippines. (2007). Retrieved from https://www.officialgazette.gov.ph/…/republic-act-no-9492/.